KM2: Gaano Kabait Si Pepe?

Masusukat nga ba ang bait na kayang ibigay ng isang nilalang. Sa paanong paraan at anumang sitwasyon. Maaari din bang malaman kung ito ay wagas at walang alingawngaw ng panlilinlang. Mababanaag ba ang totoong ugali bunsod ng kabaitang ipinakita sa una pagkakataong kayo ay magkita?

Para sa nalalapit na kaarawan nina Jasonhamster at Ginoong Jose Rizal. Naisip kong bigyang pansin ang kabaitan at kagilasang nagawa ng isang bayaning gumamit ng kanyang talino upang magbigay pag-asa at magbuklod sa nagkakaisang Pilipino  na sa ngayon ay malimit ng magkaroon dahil sa panigbuho at kawalan ng sariling pagpapasya na dulot ng hungkag na pamamalakad.

Noon sa kanyang panahon ang kabaitan ay naipamamalas ngunit sa magkakaibang bersyon at tinatangi ng pagkakataon.

Sa mga halinghing ng kasiyahan ng mga maharlika noong panahon ni Pepe makikinita ang kabaitang may kubling kasakiman. Animo dikya kung makakapit sa mga opisyales at mayayamang Espanyol upang maatim ang luwalhati at kaligtasang walang kasiguraduhan sa mga kamay ng banal kung maituring at lubos kung sila ay pagpurihan. Tama bang ang kabaitan ay laging meron hinihintay na kapalit na kasiguraduhan at maidudulot na kasaganahan.

Dulot ng kasawian ng kanyang kapwa mamamayan at sa pag-alumpihit ng mga halinghing ng lubos na paghihirap, sakripisyo at pagkawala ng mga minamahal na kababayan. Ang peklat na magpapaalala sa kagimbal gimbal na karanasang ilang daang taong pinagtiisan. Dito nahugot ni Pepe ang adhika na mapalaya at tuluyang wakasan ang walang humpay na pagtangis at sa muling pagbangon sa yungib at dusak ng impyernong gawa ng tao.

Walang maliw na pagdurusa na nagbunsod sa isang matalinong ginoo na nakasaksi sa lugami at nangangalumatang kalagayan ng mga kawawang kababayan upang supuliin ang mga manananggal ng kalayaan at upang malasap ang inaatim na kasarinlang natatago sa kuyukot ng tampalasang mananakop. Ang kanyang katapangan at pagsusumikap na nagbunga upang matamasa ang tagumpay na kasing tamis ng pulot-pukyutan.

Ang kabaitan ng isang tao ay taos kung walang natatagong masamang hangarin at panlalamang; iniisip ang kalagayan ng iba at ang kanilang ikakaligaya; kababaang-loob sa kabila ng kagitingan at karangyaang naabot; at higit pa man ang pagkakaroon ng takot sa Diyos Maykapal.

Advertisements