Si Draco

Tanaw ang masasayang bata sa bintana
Tumatakbo at naglalaro ng Haring Taga
Samantala ako’y nag-iisa walang magawa kundi ang magbasa
Mag-isa sa kwarto kasama ang makakapal na libro

Nais kong maglaro’t magtampisaw sa ilalim ng ulan
Nais kong tumakbo na kasing bilis ng kidlat sa kalangitan
Maglaro ng taguan maghapon hanggang kinagabihan
Ngunit sabi ni Nay, “sa bahay pumirmi lamang.”

Dumating ang aking kaarawan
Kasiyahan ay walang pagsidlan
Bagong Robot ang regalo ni paborito kong Ninang
Naglalakad at nagsasalita ang aking bagong laruan

Malulungkot na araw ay biglang nag-iba
Ngiti sa labi habang hawak si Draco, ang Robot kong binibida
Baon sa eskwela at kung saan man magpunta
Siglang dulot ni Draco sadyang kakaiba

Lahat ng kalaban ay tinalo ng mabilisan
Halimaw at masasamang nilalang ay walang labang napaslang
Ang mga galos at sira ni Draco hindi inalintana
Patuloy ang paglalaro at pagsabak sa larong giyera

Dumaan at lumipas ang mga araw
Katawan ni Draco’y unti unti ng naghihiwalay
Huli na ng mapansin ang sugatang kaibigan
Hindi na makalakad at parang taong wala ng buhay

Luha ng pagsisisi at kalungkutan
Para sa kaibigang nakalimutang alagaan
Ang saya ng pagkikita ay napalitan ng lungkot ng paghihinayang
Kaibigang Draco, sa akin ikaw pa rin ang bida.

ang tulang ito ay aking lahok sa Saranggola Blog Awards 3.
Advertisements